“ELE-HIYA”
ni
Myra Moraleda
mula sa ABJOURNALISM 1-1
May nagtalumpati na liderato
Na ang kaniyang landas ay tuwid at isang
katiyakan ang pagsalba mula sa kahirapan,
Mula sa mga halang,mula sa mga nang-aapi
Ipinagmalaki niya ang dalisay na bukal ng tubig
Ngunit araw-araw tatambad sa mamamayan ang
gripo
Na puno ng putik-dugo sa bawat delubyo
At umaalingasaw sa ilalim ng estero
Ang mga naagnas nang pangarap.
Ipinagmamalaki ang kinang ng dilaw na liwanag
Kaalinsabay ang pagsirit ng presyo
Sa walang habas na pagtaas ng mga bilihin
Hinahatak na tila bato-balani ang tainga
Ng bawat mamamayan sa mga matatamis nitong
salita
“tahakin ng walang agam-agam ang tuwid na daan”
Gayon ang lansangan ay puno ng alinlangan.
Lahat ng mga anak ng bayang ito’y pinalaki sa
layaw
Layaw ng pagdarahop,layaw ng walang hanggang
pang-aapi
Hangang matuyo ang lalamunan,mahungkay ang
tiyan
Masaid ang laman,mawalan ng buhay,matira na ay
kalansay
Sa ilalim ng mga nagtataasang gusali.
Kung gayon,ang inaapakan ba nating lupang
hinirang
Ay isa na bang dambuhalang libingan?
O baka isa lamang itong masamang biro
Isang tuwid na daan na ang dulo’y isang napakalalim
na bangin.