Friday, October 10, 2014

Ang mga positibo at negatibong Epekto ng DotA sa mga Kabataan

 
  Sa panahon ngayon, mabilis ang pag-unlad ng ating teknolohiya. Isa sa mga produkto ng mabilis na pag-unlad ay ang pagkakaroon ng kompyuter at Internet. Dahil sa bukas ang ganitong teknolohiya sa publiko, maraming kabataan ang nahuhumaling sa pagkokompyuter. Dahil sa abot kaya at mura ang bayad, gumuguguol sila ng maraming oras sa paglalaro ng mga Computer games at sa paggamit ng mga Social Networking sites. Alam mo ba kung ano ang DotA? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng mga letrang bumubuo sa salitang DotA? Kilala mo ba si IceFrog? Si Tuskarr at si Phoenix? kung alam mo ang sagot sa mga tanong na ito, masasabing ikaw ay mahilig maglaro ng DotA. Ang Defense of the Ancients o mas kilala sa tinatawag nating Dota ay isang sikat na sikat na laro na minamahal nating mga Pilipino, bata man o matanda. Araw-araw, ang DotA ay nilalaro sa mga internet shops sa buong bansa. Karamihan sa mga naglalaro nito ay ang kabataan. Ang isang laro ng DotA ay umaabot sa isang oras o higit pa, at kung nasiyahan ka sa una mong laro, tiyak na hindi ka makukuntento sa isa lang. Kaya naman nag-iipon ang mga bata ng pera para lang may makapaglaro sila ng matagal sa mga internet cafĂ©, at dahil na rin sa hilig ng mga bata na maglaro at maglaro ng DotA ay sinasabi ng marami na wala itong mabuting naidudulot sa mga bata, mas lalo na sa kanilang pag-aaral. May mga guro na ring nagrereklamo dahil iilan sa kanilang mga estudyante ay tumatakas sa kani-kanilang klase para lang makapaglaro ng DotA.
  Ano ba ang DotA?
 Defense of the Ancients(DotA)
  Ang Defense of the Ancients (mas kilala sa tawag na DotA, at maaaring isalin sa Tagalog bilang Tanggulan ng mga Sinauna) ay isang larong nagmula sa larong bidyo na Warcraft: Reign of Chaos na nang maglaon ay naging Warcraft: Frozen Throne. Ang Mapa nito ay base sa mapang “Aeon of strife” ng larong Starcraft. Ang layunin sa larong ito ay sirain ang mga imprastruktura sa kampo ng kalaban. Ang bawat manlalaro ay mayroong katumbas na “yunit” nakinokontrol. Katulad ng iba pang mga RPG, ang bawat manlalaro ay nag-iipon ng ginto pambili ng gamit habang pinapataas ang antas ng kanilang karakter.

Ang mapa ay ginawa na ginagamit ang “World Editor” ng Warcraft: Reign of Chaos at nangmaglaon ay binago nang dumating ang Warcraft:Frozen Throne. Simula nang malikha ang larong DotA, marami nang pagbabago ang naganap dito (pinakasikat ang DotA Allstars) at nang tumagal ay tinawag nang DotA (bersyon 6.68). Iba’t ibang tao ang nasa likod ng pag-unlad ng larong ito. Isa narito si Icefrog na siyang nagmamaintain ng laro simula pa nung 2005 hanggang ngayon.

Ilang beses ng nasali ang larong ito sa mga opisyal na patimpalak sa buong mundo. Kabilang na dito ang Blizzard Entertainment's BlizzCon, Asian World Cyber Games, Cyberathlete Amateurat at CyberEvolution leagues. Ayon kay Gamasutra, ang DotA na marahil ang pinakasikat na libreng laro sa buong mundo. Sa kasalukuyan ay gumagawa ang Valve Corporation ng sequel ng DotA (DotA 2)

Ang Kalikasan ng Larong DotA
  Ang DotA ay pinangungunahan ng dalawang pangkat ng manlalaro na kapwa sumasalungat sa isa't isa: Ang Sentinel at ang Scourge. Ang mga manlalaro sa pangkat ng Sentinel ay naka-base sa Timog-kanlurang bahagi ng mapa, samantala ang mga nasa pangkat ng Scourge ay naka-base sa Hilagang-silangang rehiyon nito. Ang bawat kampo ay dine-depensahan ng mga tore at bugso ng mga karakter (creeps kung ito ay tawagin) na nagsisilbing tagapagbantay ng ruta patungo sa pinamumugarang puwesto ng isang kampo. Sa gitna ng mga kampong ito, nakatayo ang isang antigong istruktura, ito ay isang gusali na kinakailangang sirain upang manalo ang isang koponan sa laro. Ang bawat manlalaro ay maaaring gumamit ng isang karakter (hero), isang makapangyarihang yunit na walang ibang kawangis sa mga abilidad. Sa DotA, ang mga manlalaro sa bawat kampo ay pipili ng kani-kanilang karakter na gagamitin sa 112 yunit na maaari nilang pagpilian. Ang bawat hero ay nagtataglay ng kakaibang abilidad at taktikal na kalamangan mula sa ibang mga karakter. Ang eksena ay mariin na nakatuon sa pangkatang oryentasyon. Mahirap para sa isang manlalaro na dalhin ang kanyang mga kasama sa koponan at ipanalo ang laro nang nag-iisa lamang.Ang laro ay maaaring salihan ng aabot sa sampung katao na hahatiin sa limang manlalaro bawat grupo na maaaring pang madagdagan ng aabot hanggang sa dalawang tao upang magsilbi bilang mga tagapagmasid, kadalasan ang feature na ito sa mga larong may lima-katao sa bawat partido.
  Ang larong ito ay umiikot sa pagpapaibayo sa bawat indibidwal na karakter, kung kaya't ito ay hindi na nangangailangan pa ng pangangasiwa ng mga kasangkapan at pagtatayo ng mga istruktura gaya ng mga kadalasang isinasagawang pamamaraan sa mga tradisyunal na Online Role-Playing Games. Ang pagpatay sa mga niyutral na yunit na kinokontrol ng kompyuter ay mainam upang makalikom ng puntos mula sa karanasan ang isang manlalaro. Sa oras na makamit ng isang player ang kinakailangang puntos, ang manlalaro ay aakyat ng isang lebel. Ang pag-akyat ng lebel ng isang karakter ay makakapagpaibayo sa abilidad ng hero na kanyang ginagamit, kalakip pa ang unti-unting pagtaas ng mga ornamental nitong salik (Strength, Agility, Intelligence, Damage, Life Points, at Mana). Bilang karagdangan sa mga karanasang ito, pinangangasiwaan din ng isang manlalaro ang kanyang indibiwal na yaman, gamit ang ginto bilang representasyon ng salapi. Ang tipikal na pagkuha ng yaman mula sa pagbuo ng mga istruktura, mula Warcraft III, ay napalitan sa pamamagitan ng sistema ng pananalapi mula sa indibidwal na engkwentro na siyang mararanasan ng isang manlalaro habang tumatagal ang labanan. Bukod sa maliit at peryodikong sistema ng pananalapi, ang isang karakter ay maaari ding kumita ng ginto sa pamamagitan ng pagpatay ng mga yunit (mas pamilyar sa tawag na creeps), pagwasak sa mga istruktura ng katunggali, at pagpatay sa mga karakter ng kalaban. Ang konotasyon na ito ang nagsilbing hudyat upang maitutop ang istilong tinatawag na "last-hitting," kung saan humahanap ng isang tiyempo ang manlalaro para patayin ang isang yunit sa pamamagitan ng isa o higit pang tira, kalakip ang kalagayan na ito ay nasa kritikal nang estado at malapit nang makitil. Gamit ang ginto (pera), ang mga manlalaro ay bumibili ng mga kagamitan (aytem) upang mapalakas pa ang kanilang karakter at makalikom ng dagdag na kakayahan. Ang mga aytem na ito ay maaaaring pagsamahin upang makabuo ng mas makapangyarihang gamit. Ang pagbili ng aytem na tumutugma sa estado ng isang karakter ay isang mahalagang elemento sa paglalaro ng DotA. Ang paraan ng pagpili ng aytem ay nakakaapekto sa presentasyon ng isang manlalaro kung saan ang isang aytem ay maaaring makapagdagdag ng puntos sa isang istatistika ngunit ang ibang ornamental na aspekto ay maaari ding maiwang hindi nababago o nabibigyan ng karagdagang atribusyon.
   Ang DotA ay maaaring malaro sa pamamagitan ng iba't ibang modo, ito ay pinipili sa pangunguna ng host sa mga unang segundo ng laban. Ang mode ng laro ang nagdidikta sa kahirapan ng eksena na maaaring mahinuha sa oras na umarangkada ang laro, maging ang paraan ng pagpili kung ito ba ay mano-mano na pipiliin ng manlalaro o ito ay pipiliin sa paraang "random". Maraming mode ang maaaring pagsama-samahin, na magbibigay daan tungo sa mas banayad na opsiyon.
  
  May mabuti o masama bang epekto ang paglalaro ng DotA sa kabataan lalo na sa kanilang pag-aaral?
Adbentahe
  Sa aking paghahanap ng mga kasagutan sa mga kabataang naglalaro nito,Ito ang mga kasagutang aking nakalap:
   Sabi ni Ian Bernardo isang magaaral ng High School,Inaamin niya na ilang taon na siyang naglalaro ng DotA. Kung iisipin nga raw, ay may maganda namang naitutulong ang paglalaro ng DotA sa ating pag-aaral. Nagbigay siya ng apat na Adbentahe ng DotA. Una, kapag naglalaro ka ng DotA, kailangang saulado mo ang buong laro. Dapat saulado ang skills ng bawat hero, lugar kung saan makikita ang mga item, at materials para sa recipe ng isang item. Hindi raw ito madaling gawin dahil napakarami ng hero sapagkat (mayroong 100+ na hero at bawat isa ay may apat na skills), at sangkatutak rin na mga items.Dapat ay sampu o higit pa ang kailangan mong malaro para masaulo ang ins and outs ng DotA. Ngayon, paano ito makatutulong? Nakatutulong ang DotA sa kakayahan ng isang manlalaro na magsaulo ng maraming bagay. Kung kaya mong kabisaduhin ang bawat skill ng bawat hero at ang lahat ng items, hindi ka rin dapat mahirapan sa pagsaulo sa mga bagay-bagay sa iyong pag-aaral. Sa ating pag-aaral, marami tayong kailangan isaulo tulad ng mga tula, konsepto, formulas at iba pa. Sa tuwing tayo ay nag-aaral, sinasaulo natin ang mga naisulat natin sa ating mga kwaderno para mas maunawaan natin. Nahahasa natin ang kakayahan nating magsaulo sa paglalaro ng DotA. Pangalawa, kailangan mabilis tayong mag-isip sa paglalaro ng DotA. Dapat bantay ang bawat tower at ang kalabang hero. Kapag may nangyari, alam mo agad kung ano ang kailangan.Ang mental alertness ay importante rin sa ating pag-aaral dahil alam natin kaagad kung ano ang dapat nating gawin, tuwing may dumaan na guro,kapag may nakitang basura sa paligid, at sa mga tanong na ipinapasagot sa atin.Higit pa roon, ang mental alertness na hinahasa rin ng DotA ay nakatutulong hindi lamang sa ating pag-aaral kundi pati sa ibang mga bagay na rin. Pangatlo, nakatutulong rin ang DotA dahil nagagamit natin rito ang ating mga natutunan sa sipnayan dahil kumukwenta tayo para sa gold, damages, physical and magic reduction sa paglalaro ng DotA. Panghuli, ang DotA ay nagsisilbing pang-iwas sa ibang mga bisyo tulad ng paninigarilyo at paggamit ng droga na nagbibigay ng masasamang epekto sa ating katawan at isipan. Kung malululong sa mga bisyong ito, tiyak na hindi natin maiisipang mag-aral. Mas mabuti na raw ang maglaro ng DotA dahil hindi ito nakakasama sa ating katawan at marami sa kanila ang kayang ipagsabay ang DotA pati ang pag-aaral.
 Disadbentahe
  May mga ilan naman ding kabataan ang nagbigay ng kanilang mga kasagutan tungkol sa masamang epekto nito.
  Malaki ang nagiging epekto sa buhay ng tao ang sobrang paggamit ng kompyuter. Isa na sa malaking epekto ay ang kawalan ng Social Life o Pakikisalamuha sa ibang tao. Sa sobrang paggamit ng kompyuter ay hindi na nakakapag bigay ng sapat na oras sa pamilya kung kaya naman nasisira ang relasyon nila sa pamilya, kamag-anak at sa mga kaibigan. Ang sobrang paggamit din ng kompyuter ay nagdudulot ng pagkawala sa reality o realidad. Bumababa ang resistensya ng katawan dahil sa pagkapuyat at nananakit ang likod sa sobrang pagyuko at pag-upo. May mga pag-aaral din na ang paglalaro ng kompyuter games, kagaya ng dota ay nakakapagpababa din ng I.Q. ng isang tao.
  Dahil sa paglalaro into any mga kabataanay natututong mag Trash Talk o Pagsasalita ng di magagandang salita upang mawala sa pokus ang katunggaling kalaban.natututo tayong magmura dahil dito at lumilikha ito ng di magagandang ingay sa loob ng Computer Shop, marahil sa pagsasalita nito.At kung tutuusin ay madala rin natin sa ibang lugar ang ganoong mga salita.
  Sa kanilang pag-aaral ang mga tao ay naadik sa computer dahil ginagamit nila ito upang malibang at mawala ang kanilang pagod o stress. Ang paglalaro din ng computer games ay ginagamit din nila upang malimutan ang kanilang mga problema at suliranin sa buhay. Dahil sa madaling gumamit ng internet at madaling pag-aralan ang mga laro dito, marami ang nahuhumaling sa paglalaro ng computer games partikular na ang DOTA. Ang manlalaro ay matatawag na isang “ADIK” kung nakakagawa siya ng mga bagay na maituturing nating malidahil sa kanilang obsesyon sa paglalaro. Hindi nila ito maititigil ng basta basta dahil sa matinding obsesyon na maging malakas sa larong nilalaro nila. Kapag sinubukan mong pigilan ang mga manlalaro sa larong nilalaro nila (DOTA), sila ay madalas maging iritable at galit dahil ayaw nilang sila’y naiistorbo.
 Konklusyon
  Ang computer games At DotA ay may negatibo at positibong epekto sa tao. Ngunit ito ay depende parin sa nilalaman ng nilalaro at sa naglalaro, kung ito ba ay marahas o ito ay isang laro na nagbibigay sa atin ng aral upang mas mapaganda natin ang paraan ng pamumuhay. Ang masama dito ay kung puro kasamaan ang laro, maaaring hangaan nila ang tauhan at ito ay gayahin sa tunay na buhay maaring nakakaepekto ito,sapagkat mas maraming oras ng kabataan ang nailalaan sa paglalaro nito kaysa sa pag-aaral.